Ayon kay Supt. Popoy Lipana, ng QCPD-CID tumawag sa kanila ang Equitable Bank at sinabing nagkaroon ng withdrawal transaction sa account number ng biktimang si Joselito Siervo dakong alas-4:30 ng hapon noong Biyernes pitong oras matapos madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay sa 77 Jose Abad Santos St., Brgy. Sta. Cruz, Baler, Quezon City, kamakalawa ng umaga.
Sinabi ni Lipana na hindi maibigay ng bangko kung magkano ang halagang winithdraw ng suspect na pinaniniwalaang kilala rin ng nasawi.
Aniya, posibleng ang ATM card at PIN number ng biktima ang maaaring pinag-awayan ng dalawa at humantong pa sa pananaksak ng suspect sa una.
Lumalabas sa paunang pagsisiyasat na robbery ang motibo ng pagpaslang kay Siervo dahil na rin sa nawawala ang iba pang personal na gamit nito tulad ng cellphones.
Samantala, sinabi rin ng isang opisyal na bukod sa anggulo ng robbery tinitingnan din nila ang anggulo na callboy umano ang responsable sa krimen matapos na matagpuang hubot-hubad ang biktima at makakuha ng gamit na condom sa basurahan nito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni QCPD director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na hinihintay na lamang nila ang resulta ng Scene of the Crime Operatives upang malaman kung anong patalim ang ginamit ng suspect kay Siervo. Batay sa inisyal na pagsisiyasat, lumilitaw na nagtamo ng saksak at taga sa katawan ang biktima.