Security aide ni Gen. Calderon, inatado

Nasawi ang isa sa security aide ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Calderon matapos itong saksakin mismo sa harapan ng bahay nito, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Olivarez Medical Center ang biktimang si PO1 Charlson Wong, 29, na nagtamo ng dalawang saksak sa dibdib, habang mabilis namang tumakas ang suspect na nakilalang si Gerson Versosa.

Sa sketchy report ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Pildera 2, Pasay City.

Nabatid na ini-start ng biktima ang kanyang motorsiklo habang tumatawag ito sa kanyang cellphone. Hindi nito namalayan ang paparating na suspect hanggang sa sinalakay ito at inundayan ng dalawang saksak sa dibdib.

Napag-alaman pa rin na ang suspect ay nakatira lamang malapit sa lugar ng biktima. Nagsasagawa pa ng massive manhunt ngayon ang mga pulis laban sa suspect dahil sa kautusan ni General Calderon, na sa loob ng 24-oras ay maaresto ang suspect na si Versosa. (Lordeth Bonilla)

Show comments