Dumulog kahapon sa Manila Police-Theft and Robbery Section ang biktimang si Alberto de Quito, 39, junkshop owner, ng 835 Antipolo St. Sampaloc, Maynila kung saan kinasuhan nito ang suspect na si Cenon dela Piza, stay-in-helper sa junkshop sa naturang lugar.
Bukod sa kanyang helper, nakatakda rin nitong sampahan ng kasong pangangalunya ang misis na si Maria Cecilia de Quito, 38, matapos madiskubre ang pangangaliwa nito at pagsama kay dela Piza.
Sa salaysay ni de Quito, nadiskubre niya ang pagnanakaw nitong Oktubre 26 kung saan nawawala ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng P100,000 at cash na P300,000. Nang kausapin ang iba niyang tauhan sa junkshop nadiskubre nito na nawawala na rin si dela Piza.
Ayon sa isang testigong si Randy Aninon, stay-in helper rin sa junkshop na nakita niya ang suspect na pumasok sa kuwarto ni de Quito ng naturang araw at lumabas na may bitbit na isang bag. Agad itong sumakay sa isang taxi at tumakas dala ang mga ninakaw.
Nagtaka rin si de Quito na nawawala rin ang kanyang asawa. Sa kanyang pagtatanong nadiskubre nito na matagal nang may relasyon sina dela Piza at ang kanyang misis.
Iniwan sa kanya ng kanyang asawa ang apat nilang anak na naghahanap sa kanilang ina. (Danilo Garcia)