Parak nang-abuso ng nene, arestado

Inaresto ng mga kagawad ng Manila Police District ang isang kapwa nila pulis matapos na abusuhin ang isang 10-anyos na nene, kamakalawa sa Sta. Mesa, Maynila.

Nahaharap sa kasong child abuse ang suspect na si PO2 Rogelio Valencia, nakatalaga sa Quezon City Police District-Kamuning Police Station 10 at residente ng 4856 Anahaw St., Sta. Mesa.

Sa ulat ng MPD-General Assignment Section, nagtungo sa kanilang tanggapan ang ina ng 10-anyos na biktima matapos na magsumbong sa kanya ang kanyang anak sa ginawang pang-aabuso ng nabanggit na parak.

Inilahad ng bata na pinasok siya sa bahay ng suspect at pinaghahawakan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan, dakong alas-6:40 kamakalawa ng gabi nang makita itong nag-iisa siya. Nabatid na malaking bulas ang biktima kaya posibleng pinagnasahan ito ng suspect.

Sa loob ng presinto, itinanggi ng suspect ang akusasyon at ikinatuwiran na tinapik lamang umano niya ang puwit ng biktima.

Bukod sa kasong kriminal, nakatakdang sampahan ng kasong administratibo si Valencia. (Danilo Garcia)

Show comments