Tirador ng kable, dedo sa sekyu

Patay ang isang 22-anyos na lalaki matapos na barilin ng isang security guard nang mahuli sa aktong nagnanakaw sa bubungan ng isang abandonadong warehouse kahapon ng hapon sa Pasig City.

Nakilala ang biktimang si Rey An-copia ng 3034 Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario, Pasig City habang nakatakas naman ang iba pang kasamahan nito.

Kusang-loob namang sumuko ang suspect na nakilalang si Alberto Labadan, Jr., 23, ng Automatic Response Security Agency at naninirahan sa no. 101 Phase 6 Flavi Homes Letre Road, Brgy. Tonsuya, Malabon City.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa Mariwasa Warehouse sa C. Raymundo St. Brgy. Rosario, Pasig City.

Inakyat ng biktima ang bubong ng warehouse habang nasa ibaba ang tatlong kasamahan nito at naghihintay ng mga kable at yero.

Nakita ito ng suspect at nagwarning shot kung kaya’t mabilis na nagpulasan ang kasamahan ng biktima. Dala marahil ng takot ay hindi agad nakababa ang biktima kung kaya’t binaril ito ng suspect hanggang sa mahulog. Isinuko din ng suspect ang kanyang .38 caliber service firearm. (Edwin Balasa)

Show comments