‘Life’ sa Chinese drug lord, 4 pa

Habambuhay na pagkabilanggo ang iginawad na hatol ng korte sa isang Chinese drug trafficker at apat pang drug pushers na nagsu-supply ng illegal drugs sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) matapos mahulihan ng mahigit kalahating milyon gramo ng shabu sa Caloocan City noong 2003.

Sa 38-pahinang desisyon ni Judge Victoriano Cabanos, Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 127, hinatulan ng life sentence ang drug lord na si Willie Ong at mga pusher na sina Marisol Salipot, Evangeline Rubino, Clarence Lueck at John Cabrera.

Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng halagang P500,000 bawat isa bilang danyos.

Sa rekord ng korte, naganap ang pag-aresto sa mga akusado noong Enero 30,2003 makaraang isagawa ang buy bust operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transitional Criminal Division (CIDG-ATCD) sa pamumuno ni Supt. Efren Valerio. Nakumpiska sa mga akusado ang may 530.20 grams ng shabu.

Nauna rito, noong Enero 25, 2003 ay nagsagawa ng surveillance operation ang CIDG sa NBP dahil na rin sa talamak na bentahan ng shabu sa loob ng nasabing piitan kung saan utak si Ong.

Ginagamit umano ni Ong ang mga asawa ng mga preso upang makapagbenta ng droga sa loob ng NBP.

Nang makumpirma ang report, nagpanggap noon na poseur buyer ang isang kagawad ng CIDG at nakipagtransaksyon kay Salipot hanggang sa magkasundo na magpapalitan ng epektos at pera sa Petron gas station sa Makati City. Nabago naman ang unang plano hanggang sa magkasundo na gawin na lamang ang bigayan ng droga sa tapat ng Mercury Drug sa Monumento, Caloocan City.

Dakong ala-1 ng hapon habang magkakasama ang mga akusado sakay ng Isuzu pick-up (ULD) 763 sa nasabing lugar nang dakmain sila ng mga operatiba ng CIDG matapos na magkaabutan ng droga at mark money. (Ellen Fernando)

Show comments