Salvage victim sinimento sa loob ng dram

Nadiskubre kahapon ang isang karumal-dumal na krimen matapos na matagpuan ng mga basurero sa gilid ng Ilog-Pasig ang isang naaagnas na bangkay na sinimento sa loob ng isang dram kahapon ng umaga sa Sta. Mesa, Maynila.

Hindi pa nakikilala ng pulisya ang biktima at hindi pa rin nadedetermina kung babae ito o lalaki dahil sa naaagnas na ang ulo nito na siyang tanging nakalabas sa dram, habang nakasemento ang katawan nito mula leeg.

Sa ulat ni SPO3 Paul Dennis Javier ng MPD-Homicide Section, natagpuan ang bangkay dakong alas-9 ng umaga sa gilid ng Ilog-Pasig sa may Pat. Antonio St., Sta. Mesa, Manila.

Naghahanap ng maibebentang gamit ang mga basurero sa gilid ng ilog nang mapansin ang dram na akala nila ay may nakapatong na estatwa. Nagulantang ang mga ito nang mabatid na naaagnas na ulo ng isang tao ang nakalawit sa dram.

Nakatakda namang humingi ng tulong ang pulisya sa National Bureau of Investigation para sa forensic examination sa bangkay sa oras na matibag na nila ito sa pagkakasemento.

Teorya ng pulisya na posibleng isang sindikato ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen at isinagawa ang pagpatay sa ibang lugar bago itinapon sa ilog.

Isinasagawa naman ngayon ng pulisya ang mas malalim na imbestigasyon sa naturang krimen. (Danilo Garcia)

Show comments