Sa inilatag na "Oplan Kaluluwa" traffic plan ni Manila Traffic Chief Supt. Roberto de la Rosa, isinaayos nito ang daloy ng trapiko sa mga daraan ng mga motoristang magtutungo sa mga malalaking sementeryo sa lungsod kabilang dito ang North Cemetery, La Loma Cemetery, Chinese Cemetery at South Cemetery.
Pansamantalang ipapasara bandang alas-4 ng umaga ng Nobyembre 1 ang kahabaan ng Aurora Blvd. hanggang Dimasalang at Rizal Avenue, gayundin ang A. Bonifacio at P. Guevarra, Makiling at ang Retiro Sts. Para sa mga motoristang magtutungo sa North Cemetery.
Maaari namang dumaan ang mga motorista at public utility jeepney na manggagaling sa Rizal Avenue subalit dapat itong kumanan sa Cavite St., L. Rivera, kanan sa Isagani at Antipolo hanggang sa makarating patungo sa kanilang destinasyon.
Nagtalaga naman ng mga parking areas para sa mga motorista tulad sa Craig, Simon, Felix Huertas, Sulu, Oroquieta at Metrics Sts. Mahigpit namang ipinagbabawal mag-park sa magkabilang lugar ng Blumentritt hanggang Bonifacio Avenue at Laong Laan, Dimasalang mula sa North Cemetery gate at Makiling St.
Ang mga sasakyan naman na manggagaling sa Retiro St. mula Quezon City ay dapat kumaliwa sa Makiling hanggang sa patutunguhan nito habang mga PUJ na galing sa Dimasalang ay dapat kumanan sa Makiling hanggang Maceda patungo sa kanilang destinasyon. Kailangan naman na ang mga sasakyan mula sa España ay kumanan sa A.H. Lacson, Tayuman, Blumentritt mula Cavite St. at Aurora Blvd. maaaring dumaan sa Rizal Avenue at J.A. Santos kung magtutungo sa La Loma at Chinese Cemeteries.
Ang mga magmumula naman sa Quiapo, Tondo, Sta. Cruz at Caloocan ay maaaring dumaan sa Jose Abad Santos o Rizal Avenue samantalang wala namang bagong re-routing sa South Cemetery na sakop pa rin ng Maynila maliban sa pagsasaayos ng trapiko sa P. Ocampo Ext. na pangunahing gate ng sementeryo. (Gemma Amargo-Garcia)