Sa limang pahinang resolusyon na inilabas ni QC Assistant City Prosecutors Maria Gracia Cadiz Casaclang, nabasura ang isinampang kaso ni Joanna Rose Bacosa hinggil sa Republic Act 9262 o ang Act Defining Violence Againts Women and Their Children kaugnay sa hinihinging financial support ng huli para umano sa dalawang taon gulang nilang anak ni Pacquiao na si Emmanuel.
Ayon kay Casaclang, walang matibay na ebidensiyang nilabag si Pacquiao dahil hindi umano napatunayan na anak talaga ng boksingero ang bata.
Binanggit din sa resolusyon na ang litratong ipinakita ni Bacosa na magkakasama silang tatlo ng boksingero ay hindi nagpapatunay na si Pacquiao ang ama ng bata.
Hindi rin kinilala ng piskal ang iniharap na baptismal certificate ni Bacosa dahil hindi ito nangangahulugang si Pacquiao ang ama nito.
Sinabi naman ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Bacosa na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon at sakali umanong ganito nga ang kinalabasan ng kaso magsasampa umano sila ng motion for reconsideration at petition for review sa DoJ.
Gayunman, depende umano ito sa kanyang kliyente dahil matagal-tagal na rin umano silang hindi nakakapag-usap nito.
May hinala pa si Rodriguez na posible umanong nakompromiso na rin si Bacosa dahil na rin sa mga alok na ibinibigay dito mula sa kampo ni Pacquiao. (Angie dela Cruz)