Ito ang nakuhang impormasyon mula sa isang mapagkakatiwalaang opisyal sa Quezon City Police District Headquarters na nakabase sa Camp Karingal, Sikatuna Village sa Quezon City.
Sinabi ng opisyal na ang grupo ay nagpadala na ng siyam na miyembro nito na maghahasik ng karahasan na pawang mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sumailalim ang mga ito ng matinding pagsasanay partikular na ang paggawa at pagtatanim ng bomba.
Lumilitaw na ang Sofia group ay pinamumunuan naman ng isang dating close-in aide ng namatay na si Hashim Salamat, isa sa dating lider ng Abu Sayyaf Group, isa ring local terrorist group na sinusuportahan ng Al Qaeda na pinamumunuan ni Osama Bin Laden.
Samantala, ayon pa sa opisyal, tukoy na ng QCPD ang magkakahiwalay na pinaglulunggaan ng siyam na terorista at patuloy na minamanmanan ang mga ikinikilos ng mga ito. Ilan sa lugar na under surveillance ay ang Muslim area sa lungsod Culiat, Tandang Sora at Barangay Payatas.
Gayunman, ayon sa opisyal bukod sa pagsusubaybay sa mga ikinikilos ng siyam ay nagpakalat na rin ang QCPD ng mga nakasibilyang operatiba sa lahat ng mall sa lungsod
Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na maging maingat sa mga taong nakakasalamuha at agad na makipag-ugnayan kung sakaling may kakaibang ikinikilos ang kanilang mga kausap at kakilala.
Kaugnay pa rin nito, inilagay na sa full alert ang 17,000 puwersa ng NCRPO dahil sa banta ng terorismo. Nagdagdag na rin ng personnel para magbantay sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno. (Doris Franche at may dagdag na ulat ni Joy Cantos)