38-anyos pinainom muna bago kinatay

Isang 38-anyos na lalaki ang kinatay na parang baboy ng isang mag-tiyo dahil sa hinalang ito ang pumatay sa ama ng isa sa mga suspect sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktima na si Arnel Alonsabe, alyas Hapon Liit, walang hanapbuhay at nakatira sa 192 Pitong Gatang St. Dampalit, Malabon sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspect na kinilalang sina Danilo Mendoza, alyas Kokoy at ang pamangkin nitong si Arnel Mendoza, alyas Barko.

Sa isinagawang pagsisiyasat, dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang isagawa ng mga suspect ang planong pagpaslang sa biktima.

Nauna rito, magkakasama pang nag-iinuman ang biktima at mga suspect kasama ang isa pang kaibigan.

Matapos mag-inuman ay magkakasabay pang umalis para magsiuwi ang biktima at ang magtiyuhing suspect. Doon na pala isasagawa ng mga salarin ang pagpaslang sa biktima na inundayan nila ng sunud-sunod na saksak.

Lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang pinaghihinalaan ng mga suspect na ang biktima ang siyang pumatay kay Ricardo Mendoza Jr., ama ni Arnel na kapatid ni Danilo noon pang Setyembre 19, 1999.

Maaaring pinalamig lamang ng mag-tiyo ang kaso at saka rumesbak sa kanilang pinaghihinalaang suspect na si Alonsabe.

Mabilis na nagsitakas ang mga salarin matapos ang ginawang pagganti. (Ellen Fernando)

Show comments