Probe sa doctoral degree ng PSBA Vice President, bubuhayin ng CHED

Bubuhayin ng Commission on Higher Education (CHED) ang imbestigasyon hinggil sa kuwalipikasyon at doctoral degree ng vice president ng PSBA na si Juan Lim matapos na ideklara nito na siya ay may doctorate.

Ito ay bunsod na rin ng kahilingan ni Ret. Dean Sotero Lopez na kuwestiyunin ang mga dokumento hinggil sa doctoral degree ni Lim at ang kuwalipikasyon nito upang maging VP ng nasabing unibersidad.

Si Lopez ay sumulat sa CHED-NCR Director Amelita Biglete upang makakuha ng dokumento na magpapatunay na si Lim ay may doctoral degree na ayon naman sa Registrar’s Office ng UST ay hindi natapos ni Lim ang kanyang doctoral degree.

Ayon kay Lopez, bago makamit ang doctoral degree dapat munang maidepensa ni Lim ng tatlong ulit ang kanyang titulo. Bunga ng kawalan ng doctoral degree, pineke ni Lim ang kanyang dokumento na panibagong kaso laban dito.

Matatandaan na si Atty. Benjamin Paulino, PSBA President at si Lim ay kasalukuyang iniimbestigahan hinggil sa umano’y paghuhukay sa loob ng PSBA campus bunga na rin ng Yamashita treasure. (Edwin Balasa)

Show comments