Nalilito ang mga mamamayan ng Pasay kung sino ba talaga ang nakaupong Mayor dahil hanggang sa ngayon ay patuloy na nagmamatigasan ang kampo ni Vice Mayor Antonio Calixto at Councilor Allan Panaligan.
Nabatid na ipinadlock ang tanggapan ni Calixto at sinasabing ipinaaaresto ito ni Panaligan.
Gulung-gulo na ang mga residente rito dahil sa naaapektuhan na umano ang serbisyo publiko sa naturang pamahalaang lungsod.
Nabatid na hindi makapasok si Calixto ng kanyang tanggapan, na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng Pasay City hall, dahil pina-padlock ito ni Councilor Arvin "Bong" Tolentino, kaalyado ni Panaligan.
Nabatid na pinadadakip ni Panaligan si Calixto dahil uupo na itong acting mayor ng naturang lungsod matapos magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Court of Appeals (CA) kaugnay sa kasong isinampa laban dito na may kinalaman sa kontrata sa basura.
Iginigiit pa rin ni Panaligan na may kautusan ang Malacañang na muli itong sinususpinde ng 60-araw kaugnay sa ibang kaso, ngunit pinabulaanan naman ng Malacañang na may suspension order silang ipinalabas laban kay Calixto.
Ayon sa kampo ni Calixto "peke" umano ang suspension order na pinalabas ng kampo ni Panaligan. Dahil dito magsasampa ng kasong contempt si Calixto laban kay Panaligan dahil hindi umano nito sinunod ang kautusan ng CA hanggang sa ngayon ay nagmamatigas na huwag bumaba sa puwesto bilang acting mayor.
Dahil sa pangyayari, inaasahan na rin umano ni Calixto na muli siyang gagawan ng kung anu-anong kasiraan dahil sa kapit-tuko na sa puwesto si Panaligan at mga kaalyado nito.
Dahil dito, mahigpit na seguridad ang ipinatutupad sa loob ng Pasay City Hall Office.