Krisis uli sa Pasay

Matinding krisis uli ang inaasahang maaaring maganap sa Pasay City.

Ito’y dahil sa posibleng pagkakaroon muli ng pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaang lungsod, makaraang magpalabas kahapon ng Temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals (CA) laban sa anim na buwang suspensyon na ipinataw ng Ombudsman kay Pasay City Vice-Mayor Antonio Calixto.

Kasabay naman nito, may bagong kautusan buhat sa Malacañang na nagsususpinde kay Calixto sa loob ng 60-araw. Ang kautusan ay nilagdaan ni Executive Secretary Eduardo Ermita kaugnay sa kasong grave abuse of authority, nonseasance at dereliction of duty na isinampa naman laban sa kanya ni Pasay OIC Allan Panaligan.

Nilinaw naman ng kampo ni Calixto na ilegal anya ang order buhat sa Palasyo dahil bago anya ipatupad ito kailangang tapusin muna ang anim na buwang suspensiyon na naunang ipinataw ng Ombudsman na dito nga nagpalabas ng TRO ang CA.

Kaugnay naman sa TRO , ayon sa dalawang pahinang resolution ng CA Special Division of Five, nakasaad dito ang pagbabawal sa Ombudsman na ipatupad ang nasabing parusa.

Tatlong Mahistrado na kinabibilangan nina Associate Justices Jose Mendoza, Lucenito Tagle at Elvi John Asuncion ang lumagda sa TRO na magkakabisa sa loob ng 60-araw.

Tutol naman sa nasabing TRO sina Associate Justices Sesinando Villon at Ramon Garcia dahil sa paniniwalang may dapat pa ring panagutan si Calixto bilang presiding officer ng Sangguniang Panglungsod.

Nilinaw sa resolusyon na ang pagpapalabas ng TRO ay upang mapangalagaan ang karapatan ni Calixto na sinasabing hindi kabilang sa mga lumagda sa resolusyon na nagbibigay kapangyarihan kay Mayor Peewee Trinidad na makipagnegosasyon sa isasagawang pagkulekta ng mga basura na sinasabing nagkaroon ng anomalya.

Samantala, binigyang pagkakataon din ng CA ang panig ng Ombudsman at maging ng DILG na idepensa ang iginawad na parusa laban kay Calixto.

Sampung araw ang ibinigay na taning ng CA sa mga public respondent upang isumite ang kanilang mga komento.

Magugunitang sinuspinde ng Ombudsman ng anim na buwan sina Mayor Trinidad, Vice Mayor Calixto at kasama ang 10 pang konsehal sa lungsod kaugnay sa maanomalyang kontrata sa basura.

Tanging sa apela pa lamang ni Calixto nagpalabas ng TRO ang CA. Kahapon pa rin muling tumindi ang tensyon sa Pasay City Hall matapos na magkapikunan ang balwarte ni OIC Allan Panaligan at Vice Mayor Calixto.

Tumangging bumaba si Panaligan, habang agad namang nagpilit na makapasok sa city hall si Calixto. (Grace Amargo Dela Cruz At Lordeth Bonilla)

Show comments