Killer ng pamangkin ni Robin Padilla, timbog

Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isa sa kilabot na miyembro ng robbery-hold-up gang na itinuturong nangholdap at pumatay sa isang graduating student at pamangkin ng action star na si Robin Padilla na hinoldap ng grupo nito noong nakalipas na taon sa Caloocan City.

Kinilala ni NPD director Chief Supt. Leopoldo Bataoil ang suspect na si Ronald Dayto, alyas Bakulaw, 27, ng Phase 5-Y, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Si Dayto ay isa sa tatlong suspect na sinasabing responsable sa panghoholdap at pagpaslang kay Jericho Hidalgo, 24, 5th year student ng Information Technology sa University of the Philippines (UP) at residente ng Bagumbong, Caloocan City.

Sinabi ni Bataoil na naaresto si Dayto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 128.

Pinaghahanap pa ang dalawang kasamahan ni Dayto na sina Reynante Rosadinio at Rey Natividad. Ang biktima ay sinasabing pamangkin ng action star na si Robin Padilla. (Ellen Fernando)

Show comments