Ayon kay Supt. Nap Cuaton, hepe ng Caloocan City Police Criminal Investigation and Management Unit, halos bumaha ang luha nang magtungo ang mga kaanak at kapamilya ng anim na salvage victim sa morgue kung saan unang inilagak ang mga bangkay ng mga biktimang sina Ramon Villanueva, Jefferson Agipanan, Jun Azuero, Arthur Cadorna at ang dalawang huling nakilala na sina Judril Megiso at Reymie Ponteros, pawang mga trabahador sa King Dragon Melting Aluminum na matatagpuan sa Sto. Niño, Meycauayan, Bulacan.
Sinabi ng mga kapamilya ng mga biktima na wala umano silang nalalaman na naging kaaway o nakagalit ang mga huli kaya laking pagkabigla nila sa nangyari sa mga ito. Ipinauubaya na lamang nila sa pulisya ang kaso para sa ikalilinaw at ikalulutas nito at dapat umanong parusahan ang mga responsable sa krimen.
Ang anim na biktima ay natagpuan dakong alas-7:05 ng umaga kamakalawa ng ilang sibilyan sa isang bakanteng lugar sa nasabing subdivision na tadtad ng bala sa katawan at ulo.
Natagpuan ng mga pulis sa lugar ang may 26 basyo ng bala ng M-16 at limang slug ng kalibre .9mm pistol. (Ellen Fernando)