Sa ulat ng Manila Fire Department, dakong alas-10:40 ng umaga nang sumiklab ang apoy buhat sa bahay ng isang Guillermo Chua sa may #907 Orchid St., Punta, Sta. Ana. Agad na kumalat ang apoy sa mga bahay sa may Dalandan, Atis, Chico at Mayon streets.
Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero at mga Chinese fire volunteer ngunit nahirapan na apulain ang apoy dahil sa hindi makapasok ang mga trak ng tubig sa makikitid na eskinita.
Wala namang naiulat na nasawi sa naturang insidente kung saan sumaklolo rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpapasakay sa mga residente na naipit sa sunog sa kanilang mga barge upang makatawid sa kabilang pampang ng Ilog-Pasig.
Hindi pa madetermina ng mga imbestigador ang ugat ng naturang sunog ngunit hinihinala na "faulty electrical wiring" ang sanhi ng apoy. Posible rin umano na maraming ilegal na koneksiyon o "jumper" sa lugar sanhi ng pag-o-overload.
Dahil dito, muling nanawagan kahapon ang mga residente kay Mayor Lito Atienza Jr. na patalsikin ang tatlong dambuhalang kompanya ng langis upang hindi manganib ang kanilang mga buhay.
Ikinatakot ng mga residente ng Punta, Sta. Ana ang posibleng pagsabog ng oil depot ng "Big 3" kabilang dito ang Petron, Shell at Caltex dahil sa ganitong mga insidente. (Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)