5 kotse nagliyab sa parking lot

Nasunog ang limang mamahaling kotse matapos na bigla na lamang magliyab ang mga ito habang nakaparada sa isang pribadong parking lot, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Manila Fire Department, dakong alas-8 ng umaga nang maganap ang sunog sa parking area sa may Albuquerque St., Tondo na pag-aari ng isang Victor Go.

Ayon sa katiwala na si Roberto Alfonso, kasalukuyan niyang nililinisan ang isang kotse nang bigla na lamang sumambulat ang apoy sa mga sasakyan.

Agad namang naapula ng mga rumespondeng bumbero ang naturang sunog matapos ang 10 minuto nitong pakikipaglaban dito. Hinala ng mga arson investigators, posibleng electrical fault sa isa sa mga sasakyan ang sanhi ng pagsiklab. Hindi rin naman isinasantabi ang anggulo na posibleng sinadyang pasabugin ang isa sa mga sasakyan. (Danilo Garcia)

Show comments