‘Palakpak Gang’, nabuwag; 5 miyembro timbog

Nabuwag ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isa sa mga holdap gang na tinaguriang "Palakpak gang" na nambibiktima sa mga pampasaherong jeep matapos na madakip ang limang miyembro nito, kamakalawa ng hapon sa Luneta, Maynila.

Nakilala ang mga naaresto na sina Danilo Mercado, 34; Edmundo Galvaro, 31; Ricky Rodriguez, 28; Fernando de Vera, 37; at Rommel Tadeo, 24.

Nabatid na labas-pasok sa kulungan ang mga suspect na pawang mga miyembro ng Batang City Jail.

Pinakahuli nilang biktima si Roberto Roque na sinaksak pa ni Mercado nang pumalag sa panghoholdap.

Ayon kay Chief Inspector Alejandro Yangquiling, ng homicide section ng MPD na naaktuhan nila ang nagaganap na komosyon sa loob ng isang jeep sa may Blumentritt, Sta. Cruz. Kanila itong sinundan hanggang sa tumalon ang mga suspect sa may Rizal Avenue.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspect hanggang sa makorner sina Mercado, Galvaro at Rodriquez.

Ikinanta naman nina Mercado ang kanilang hide-out na nasa Phase 1 ng Luneta malapit sa Manila Hotel na doon nadakip sina de Vera at Tadeo. (Danilo Garcia)

Show comments