Nabatid na tigil ang operasyon sa city hall dahil sa isinara ito sa mga kawani. Tanging ang nasa loob lamang ng city hall ay ang grupo ni Pasay City Mayor Wenceslao "Peewee" Trinidad, ilang staff, ilang pulis at ilang security personnel.
Ang mga empleyado ay nanatiling nasa labas ng city hall kasama ang mga supporters ng sinuspindeng alkalde.
Doble ang bantay na isinasagawa sa city hall upang umanoy pigilan ang posibleng pag-agaw sa kapangyarihan kay Trinidad.
Sa isinagawang talumpati ni Trinidad sa harap ng kanyang mga supporters, bigla na namang nabago ang posisyon ng alkalde makaraang makita na dumagsa ang suporta sa kanya, sinabi nitong handa silang lumaban pagpinilit na paalisin sa puwesto.
Nabatid pa na sustentado ng mga pagkain ang mga supporters ni Trinidad para umano may lakas sakaling buwagin ang barikada ng mga ito sa City Hall.
Hanggang kahapon ay hindi pa rin sine-serve ang suspension order laban kay Trinidad, sa Vice-mayor nito na si Antonio Calixto at 10- pang konsehal kaugnay sa P464.6 milyon na kontrata sa basura.
Anim na buwang suspensyon ang ipinataw ng Ombudsman laban sa mga ito.
Samantala, nagkabuhul-buhol naman ang daloy ng trapiko sa lungsod ng Pasay matapos na isara ang halos kalahating bahagi ng kahabaan ng Harrison St. na kung saan dito matatagpuan ang City Hall na isinara at hinarangan ng mga sirang sasakyan para pigilan ang anumang aksyon laban sa kanilang alkalde.
Kung kayat ang lahat ng sasakyan ay dumaraan na sa Roxas Blvd.
Samantala, hawak na ng DILG ang suspension order laban sa grupo ni Trinidad, gayunman hindi pa rin ito maisilbi dahil nagsumite ng apela ang kampo ng Mayor hinggil sa nasabing usapin. (Lordeth Bonilla at may dagdag na ulat ni Angie dela Cruz)