Itoy kaugnay sa kasong graft and corruption na isinampa laban sa kanila kaugnay sa maanomalyang kontrata sa basura na nagkakahalaga ng P464.6 milyon.
Nabatid na nakatakda namang magsampa ng temporary restraining order sa Court of Appeals ang kampo ni Trinidad upang pigilan ang ipatutupad na suspension.
Sinabi ni Trinidad na wala siyang kasalanan at wala siyang nilabag sa batas dahil sa ginawang pagbabayad ng pamahalaang lungsod sa kontraktor ay may clearance ng Commission on Audit (COA) o tinatawag na "Quantum Merit".
Mula kamakalawa, matapos mabatid ang ibinabang kautusan ng Ombudsman ay hindi na umalis ng tanggapan si Trinidad na ito umano ay patunay na hindi siya mapapaalis sa puwesto.
Todo-bantay naman ang kanyang supporters na nag-vigil pa sa city hall bilang protesta sa inisyung suspension order sa kanilang mga opisyal.
Nanindigan ang mga supporters ni Trinidad na hindi rin sila aalis sa harapan ng city hall at ipagpapatuloy ang kanilang pagbi-vigil bilang suporta sa kanilang alkalde.
Bukod kay Trinidad, sinuspinde rin ang bise-alkalde na si Antonio Calixto, mga konsehal na sina Richard Advincula; Lexter Ibay; Jose Antonio Roxas; Ma. Antonia Cuneta; Noel Bayona; Arnel Regino Arceo; Editha Vergel de Dios; Marie Irish Pineda, Generoso Cuneta at Greg Paolo Alcera.
Samantala, wala raw kinalaman ang Malacañang at walang motibong pulitikal ang anim na buwang suspensiyong ipinataw ng Ombudsman sa mga opisyales ng Pasay City hall.
Inihayag ito ni Presidential Chief of Staff Michael Defensor para pawiin ang mga suspetsa na ang pagsuspinde sa 12 opisyal ng Pasay City ay maaaring isang pagmamaniobrang pampulitika.
Sinabi pa ni Defensor na si Mayor Trinidad ay hindi miyembro ng oposisyon kundi nasa administrasyon kaya hindi pwedeng pagbintangan ang Palasyo na siyang nagmaniobra sa suspensyon. (Dagdag na ulat ni Lilia Tolentino)