Oil refinery factory sa Caloocan, inirereklamo
Maraming bilang ng mga residente sa isang barangay sa Caloocan City ang nakakaranas ng paninikip ng dibdib na dala umano ng sobrang baho at bagsik na amoy ng kemikal na inilalabas ng isang oil refinery factory sa nasabing lungsod. Kaugnay nito, nanawagan sa kinauukulan ang mga apektadong residente ng Brgy. 165 ng nabanggit na lungsod at maging karatig lugar nito sa Brgy. ng Bagbaguin, Canumay, Paso de Blas ng Valenzuela City na imbestigahan ang Belsan Industrial na naging sanhi ng nasabing chemical poisoning sa nasabing lugar. Sa panayam sa isang Aling Nancy, karamihan sa mga naapektuhan sa umanoy patuloy na pagpapalabas ng nakalalasong kemikal ay pawang mga kabataan. Sobrang paninikip ng dibdib at pananakit ng tiyan umano ang kanilang dinaranas kapag nagpapalabas na ng masangsang at mabagsik na kemikal ang nasabing pabrika. Napag-alaman na una ng nagkaroon ng closure order laban sa nasabing pabrika na nag-ooperate sa gitna ng residential area at Bagbaguin Elementary School ng lungsod subalit hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang operasyon nito. (Rose Tamayo-Tesoro)