Namatay habang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Sylvan Duenas, 32, binata ng Int. 2 Zamora St., Pandacan, Manila sanhi ng tama ng saksak sa dibdib at katawan.
Arestado naman ang dalawang suspect na sina Francis Arcolico, 43, ng Block 41 Batasan, Floodway Cainta, Rizal at Wilfredo Abayon, 34, ng Block 35 Batasan Floodway, Taytay, Rizal.
Pinaghahanap naman ang amain ng biktima na nakilalang si Buenaventura Peralta, 60, isang seaman ng 1901-K Int., 2 Zamora St., Pandacan, Manila matapos na ituro ng dalawang suspect na siyang utak sa krimen.
Sa ulat ni Det. Ed Ko, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa ikatlong palapag ng bahay ng biktima sa 1901-K-Int., 2 Zamora St. Pandacan, Manila.
Bago naganap ang insidente, sinasabing Miyerkules ng umaga ay dumating mula sa Iloilo ang biktima at kapatid nitong si Carmela upang i-follow- up ang kasong isinampa nila laban kay Peralta na kanilang stepfather hinggil sa mga iniwang ari-arian ng kanilang yumaong ina.
Ang magkapatid ay nanirahan sa Iloilo dahil hindi nila makasundo ang kanilang amain na siya ring pinagdududahan nilang may kinalaman sa pagkamatay ng kanilang ina dalawang taon na ang nakakaraan.
Napag-alaman pa na bago namatay ang kanilang ina, hindi umano nailipat ang pag-aari nitong 4-story apartment at ibang ari-arian kay Peralta at anak nito at maging sa magkapatid na Duenas kaya humantong ito sa pagsasampa ng kaso kung kanino mapupunta ang mga ari-arian.
Tumuloy ang magkapatid sa ikatlong palapag ng bahay matapos lumuwas ng Maynila.
Dito naman namasukan ang dalawang nadakip na suspect na sina Arcolico at Abayon upang kumpunihin ang sirang pipeline sa bahay.
Lingid sa kaalaman ng magpakatid ang dalawa ang umanoy inupahan ng kanilang amain para sila patahimikin upang masolo ang mana.
Kamakalawa ng gabi ay isinakatuparan ng mga suspect ang pagpaslang kay Sylvan na kanilang pinagsasaksak.
Agad namang naaresto ang dalawa at kumanta na napag-utusan lamang sila ni Peralta kapalit ng malaking halaga.