‘Showdown’ sa session ng Malabon City Council

Mistulang nagkaroon ng "intermission number" sa ginanap na regular session ng Malabon City Council makaraang mag-init ang ulo ni 2nd District Councilor Alfonso "Boyong" Mañalac at lamukusin nito ang mukha ng council secretary, kamakalawa ng hapon sa nabanggit na lungsod.

Alas-2 pasado nang mangyari ang nasabing "showdown" sa loob mismo ng Sangguniang Panglunsod ng Malabon.

Nag-init ang ulo ni Mañalac nang tanungin nito si Council Secretary Danilo Diaz tungkol sa pagsasaayos ng city hall na sinagot naman ng huli na may kasamang makahulugang ngiti dahilan upang lalong mag-alburoto ang una.

Dahil dito, agad na pinagmumura ni Mañalac si Diaz at nang makalapit ito sa huli ay parang papel na nilamukos nito ang mukha ng huli.

Agad namang inawat ng mga kapwa konsehal si Mañalac at dinala sa tanggapan ni vice-mayor Arnold Vicencio.

Nahimasmasan lamang si Mañalac nang kausapin ito ni Vicencio at dito ay humingi ng paumanhin ang una kay Diaz. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments