Iniharap kahapon ni PNP chief Director General Oscar Calderon sa mga mediaman ang nadakip na mga suspect na kinilalang sina Inspector Bryan Limbo, nakatalaga sa Police Station 3; PO3 Aristotle de Guzman, ng Police Station 5, kapwa ng Caloocan City Police at sinasabing mga utak sa naganap na krimen at ang gunman na si Nani Magnaye.
Hindi naman kabilang sa iniharap ang isa pang suspect na si Charles Galarce, alyas Balat, miyembro ng Alex Buenaobra robbery gang dahil sa nagpapagaling ito sa pagamutan makaraang barilin ng sarili niyang mga kasamahan matapos na tumiwalag sa kanilang grupo.
Kasabay nito, inihayag pa ni Calderon na patuloy namang pinaghahanap ang isa pang suspect na tinukoy lamang sa pangalang Rene.
Ang mga suspect ay nasakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa pamumuno ni Chief Supt. Leopoldo Bataoil sa loob ng dalawang araw na serye ng operasyon sa lungsod ng Caloocan.
Binanggit ni Bataoil na si Galarce ang nagsuplong sa mga awtoridad na ang grupong kanyang kinalasan ang responsable sa panghoholdap at pagpaslang kay Ruñez. Pumalag umano ang biktima at tumangging ibigay ang P35,000 cash na kawi-withdraw pa lamang sa bangko para ipampasuweldo sa kanilang mga tauhan sa water refilling station.
Nabatid pa na si Galarce ang unang inatasan ng mga suspect na pulis na magsagawa ng panghoholdap subalit tumanggi ito kung kaya binaril siya ng mga kasamahan. Masuwerte namang hindi napatay si Galarce na siyang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad. Ikinokonsidera nilang gamiting state witness si Galarce laban sa mga nasakoteng suspect.
Samantala, pinapurihan naman ni Pangulong Arroyo ang liderato at mga kagawad ng PNP sa pagkakalutas sa Ruñez-slay.
Sinabi pa nito na malinaw na may positibong nagaganap sa kanyang unang ibinigay na ultimatum sa pulisya na hulihin ang mga salarin sa 10 pagpaslang sa mga media personality at miyembro ng militanteng grupo sa loob ng susunod na 10-linggo. (Joy Cantos at Rose Tamayo Tesoro at may dagdag na ulat kay Lilia Tolentino)