Base sa 29-pahinang desisyon ni RTC Branch 18 Judge Mira Garcia Fernandez, 8 hanggang 17 taong pagkakabilanggo ang inihatol nito laban sa mga akusadong sina T/Sgt. Jove Rubio at Sgt. Marcio Ambulo na kapwa nakatalaga sa 14th Infantry Battalion sa Victoria, Mindoro at sa sibilyang si Jaime Gilbol.
Ang tatlo ay suspect sa pamamaril sa pito-katao kayat tinagurian itong "Mindoro massacre" noong Abril 3, 2000 sa billiard hall sa Victoria, Oriental Mindoro kung saan nasawi ang may-ari nitong si Honorio Metrillo, Cesar Matibag, Leo Tibayan, Aniceto Bagsic, Andres Bagsic, Eugene Manalo at Larry Atienza samantalang nasugatan naman sina Danilo Asilo, empleyado at Aida Metrillo, asawa ng nasawing si Honorio.
Sa record ng korte, lumalabas na ang dalawang akusado na kapwa nakatalaga sa Task Force Sea Gull ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang mga biktima gamit ang cal. 45 baril bandang alas-11:30 ng gabi sa billiard hall na pag-aari ng mag-asawang Metrillo.
Sa salaysay ni Aida, 42, asawa ng isa sa mga napatay na lasing umano ang dalawang sundalo nang isagawa ng mga ito ang pamamaril at isa si Rubio sa bumaril sa kanya sa tiyan at si Gilbol naman ang humarang sa kanya upang hindi sila makalabas ng billiard hall ng kanyang asawang si Honorio. (Gemma Amargo-Garcia)