Ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM), noong Hulyo 2, 2006 ay may 410 bilang ng mga police colonels sa buong bansa ang kumuha ng Police Service Executive Eligibility (PSEE) sa Assumption College sa San Lorenzo Village, Makati City na pinamahalaan ng nabanggit na ahensya sa tulong na rin ng grupo ng mga academe.
Nabatid na ang PSEE ay bilang "panakip" sa mga hindi nakapasa o makakapasa sa Career Service Executive Eligibility (CSEE), na pagsusulit na ibinibigay ng Civil Service Commission (CSC) para ma-promote ang isang opisyal ng gobyerno o ma-promote ang isang opisyal ng PNP.
Ang PSEE ay iminungkahi umano mismo ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa NAPOLCOM bilang sariling pagsusulit para sa lahat ng kagawad ng pulisya na nagnanais maging heneral na hindi naman nakapasa sa CSEE.
Ayon sa isang impormante sa NAPOLCOM na ayaw magpabanggit ng pangalan, lubusang nakakadismaya at nakakaalarma na "bobo" pala sa naturang larangan ng pagsusulit ang karamihan sa ating police colonels na hindi na nga umano pumasa sa CSEE ay bumagsak pa sa PSEE.
Itinatago rin umano sa publiko ang nasabing resulta ng pagsusulit upang hindi na mapahiya pa ang mga police colonels na bumagsak sa nasabing pagsusulit.
Napag-alaman pa na ang pagiging maraming asawa ay isa sa mga dahilan kung kayat bagsak sa moral values ang karamihan sa police colonels na kumuha ng nasabing pagsusulit. (Lordeth Bonilla)