Nagpalabas na kahapon ng warrant of arrest si QCRTC Branch 98 Judge Afable Cajigal laban kay Bautista dahil sa patuloy nitong pagtanggi na ilipat ang franchise sa Dondon Liner mula sa Inland trailways, Incorporated.
Ayon kay Cajigal, binabalewala ni Bautista ang ipinalabas niyang kautusan noong Mayo 3, 2006 at noong Hulyo 10, 2006 na nag-aatas kay Bautista na sundin o isagawa ito sa loob ng 72-oras o tatlong araw.
Binanggit pa ni Cajigal na may dahilan ang korte upang i-cite for indirect contempt of court si Bautista batay na rin sa itinatadhana ng Section 71 ng 1998 Rules of Civil Procedure.
Nauna nang naghain ng kaso sa QCRTC si Vicente Habitan ng naturang liner matapos itong manalo sa isinagawang bidding sa nasabing pag-aaward ng franchise.
Pinagmumulta rin ng hukuman si Bautista ng P20,000 kapag ipinatupad na ang pag-aresto sa kanila. Iniutos ng korte sa Quezon City Police District, National Bureau of Investigation ( NBI) at iba pang law enforcement unit na isilbi ang agarang pagdakip sa LTFRB official.
Sa kanyang panig, sinabi ni Bautista sa isang text message na ngayon ay nasa Iloilo na wala siyang dapat ipag-alala hinggil sa kasong ito dahil wala siyang alam na may nilabag siyang batas hinggil dito. (Angie Dela Cruz)