Kahapon ng tanghali ay nagpahayag ang buong pwersa ng Philippine Nartional Police (PNP) ng nationwide full alert, kasabay rin ng pagtaas sa full alert status ng AFP-National Capital Region sa buong Metro Manila.
Kaugnay nito, sa kabila na nakatutok ang lahat ng kilos-protesta sa Batasan Complex ay bantay-sarado rin ng pulisya at militar ang loob at labas ng Malacañang Palace dahil umano sa posibilidad na samantalahing salakayin ito ng mga terorista.
Nabatid kay Col. Teodorico Perez, ground commander sa Mendiola na tinatayang 2,000 pulis-Maynila ang ikakalat ngayong araw sa labas ng Malacañang upang tiyakin na walang militanteng grupo na makakapasok sa bisinidad ng Mendiola.
Ikakalat din ngayong araw ang mga nakasibilyang sekreta na magmamanman laban sa mga terorista na magtatangkang magsagawa ng pananabotahe sa Palasyo, kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa mga estratehikong establisimiyento partikular na ang US Embassy, Pandacan Oil Depot, Light Rail Transit at mga malls.
May 16,000 sundalo rin ang idedeploy at 8,000 sa mga ito ay magbabantay sa bisinidad ng Batasan Complex.
"There is no imminent threat but we need to be prepared to thwart off any attempts to sabotage the SONA," ayon kay AFP-Public Information Office chief Col. Tristan Kison.
Samantala, mahigpit na binabantayan ngayon ang mga lugar sa Valenzuela City at Caloocan North na nasa hangganan ng Bulacan matapos na makatanggap ng impormasyon ang Northern Police District (NPD) na may 42 armadong miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang papasok rito at mananabotahe sa SONA.
Napag-alaman na walang humpay ang 24-oras na pagmamanman ang isinasagawa ng NPD sa mga nabanggit na lugar kasabay ng pagtalaga ng 24-oras na checkpoints dito.
"Intelligence reports claimed that 42 NPA members, armed with short firearms and hand grenades were out to create chaos during the SONA," pahayag ni P/Supt. Jimili Macaraeg, hepe ng NPD-DIID.
Ayon na rin sa intelligence report, ang naturang mga NPA ay maghahati sa tatlong grupo na papasok sa MM sa pamamagitan ng Mac Arthur Highway sa Brgy. Malinta, Valenzuela at ang iba naman ay sa pamamagitan ng Camarin sa Caloocan North at sa Congressional Road at magtatagpo ang mga ito sa Don Antonio St., malapit sa Batasan Complex sa Quezon City.
Samantala, sinuspinde ng DepEd ang klase sa elementarya at high school sa ilang eskwelahan sa Quezon City na nakapaligid sa Batasan Pambansa na kinabibilangan ng Batasan Elementary at High School; Payatas A at B; San Diego Elementary School; Bagong Silang High School; Holy Spirit Elementary School; Commonwealth Elementary School; San Vicente Elementary School at Manuel L. Quezon Elementary School.
Ayon kay DepEd OIC Fe Hidalgo, walang pasok ngayong araw sa mga nabanggit na eskwelahan dahil na rin sa kapakanan at seguridad ng mga estudyante matapos ang bantang kilos-protesta ng ilang grupo sa SONA ni Pangulong Arroyo. (Danilo Garcia, Joy Cantos, Rose Tamayo-Tesoro at Edwin Balasa)