Halos hindi na makilala pa ang mga bangkay ng mga biktimang sina Isabelita, 14; Beatriz, 12; Enrico, 10; Deparel, 9; at Aaron Hortillano, 6, na pawang mga residente ng #1530 Joshua St., Jordan Plains Subd., Novaliches, Quezon City.
Nagtamo naman ng mga bahagyang sunog sa braso ang ama ng mga bata na si Roberto Hortillano nang bumalik ito sa loob at tinangkang iligtas ang mga biktima.
Sa ulat ni SFO4 Nemesio Bulaong, Quezon City Fire Marshall, naganap ang insidente bandang alas-2:15 ng madaling-araw sa nasabing address.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, lumilitaw na posibleng sa nag-overheat at naiwang videoke ang pinagmulan ng sunog.
Nabatid na magkakasama at magkakayakap pang natagpuan ang mga biktima sa loob ng isang silid.
Dalawa pang kapatid ng limang biktima na sina Carol at Rowena ang nakalabas nang ligtas sa umaapoy na bahay.
Nabatid na nasa isang anak naman sa Fairview ang ina ng mga biktima nang maganap ang insidente.
Umabot lamang ng second alarm ang sunog kung saan idineklara itong fire-out bandang alas-3:58 ng madaling-araw. (Doris Franche)