Nakilala ang mga nadakip na sina SFO1 Alberto Presentacion, 54, bumbero at nakatalaga sa San Lazaro Fire Station at si Josefina Presentacion-Santiago, 60, ng 426 Inocencio St., Tondo, Maynila.
Ang raid ay isinagawa matapos na makatanggap ng impormasyon ang Manila Police District ukol sa talamak na pagbebenta ng mga peke at mga expired na gamot ng Aljay Drug Store sa may Inocencio St., Tondo.
Nakumpirma ang ilegal na operasyon ng botika nang isang tauhan ng pulisya ang makabili ng gamot na "Calpol" na may tatak na "physicians sample" at "not for sale".
Dito na inaresto ng mga pulis ang dalawang may-ari ng naturang botika, habang nakumpiska ang bultu-bultong mga gamot na pinaghihinalaang mga expired at mga sampol lamang.
Wala ring naipakitang permit to operate at lisensiya ang dalawang may-ari.
Kasalukuyang nakadetine sa MPD-General Assignment Section ang mga nadakip at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Danilo Garcia)