Gang war: 2 todas, 1 sugatan

Dalawang kabataan ang kumpirmadong nasawi , habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na sumiklab ang riot ng dalawang grupo ng fraternity sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jessie Boy Agustin, 20, no.67 Brgy. Baesa, samantalang namatay naman habang ginagamot sa Quezon City General Hospital si Arnel Abad, 19, ng Sitio Pajo, ng nasabi ring lugar. Nakaratay pa rin ngayon sa pagamutan si Alvin Loon, 16, ng B-96 Sitio Pajo.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng QCPD-Criminal Investigation Division (CID) ang mga suspect na sina Alyas Dennis at alyas Dong-Dong.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng QCPD- CID, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Sitio Mendez, Brgy. Baesa, QC.

Lumalabas na bigla na lamang lumapit ang mga suspect at kinompronta ng grupo na miyembro ng Cruz Unlimited Gangstar ang mga biktima na mga miyembro naman ng Visaya Gang at nangkaroon ng rambulan.

Agad naman itong napayapa ng mga rumespondeng awtoridad subalit makalipas naman ang ilang sandali ay muli na namang nagkaroon ng tensiyon hanggang sa paputukan ng sumpak ng mga suspect ang grupo ng mga biktima na agad na ikinamatay ni Agustin.

Dinala pa sa pagamutan si Abad ngunit namatay din.

Agad namang inaresto ang mga suspect ngunit madiin nilang itinanggi ang akusasyon ngunit narekober sa minamaneho nilang tricycle ang mga ginamit na sumpak.

Nakatakda nang isampa ang kaukulang kaso laban sa mga suspect. (Doris Franche)

Show comments