Trader patay sa hired killer

Patay ang isang 37-anyos na corn trader makaraang pagbabarilin ito ng tatlong beses ng isang pinaniniwalaang hired killer, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Namatay noon din mismo sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala ng baril sa dibdib ang biktimang si Rico Eusion ng Villacristal, Bagumbong, Caloocan City.

Mabilis namang tumakas ang suspect na tinatayang nasa gulang na 25-27, katamtaman ang laki ng katawan at may taas na 5’5’’ hanggang 5’7 talampakan.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa panulukan ng Hulo at Galas Sts. sa Sitio Gitna, Brgy. Bignay, Valenzuela City.

Nabatid na kausap ng biktima ang isa sa kanyang kostumer nang biglang dumating ang suspect na nakasuot ng helmet at sakay sa isang motorsiklo na walang plaka.

Bigla na lamang itong bumunot ng baril at malapitang binaril ng tatlong ulit ang biktima. Nang bumulagta ang trader ay sinuri pa itong mabuti ng suspect at sinigurong patay na ito saka tuluyang tumakas.

Sinabi pa ng ilang saksi na habang binabaril ng suspect ang biktima ay narinig pa itong nagsabi na "pasensiya na, bayad na ako".

Malaki ang paniwala ng pulisya na isang hired killer ang suspect dahil sa propesyunal ang kilos at estilo nito sa pamamaslang sa huli.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya para alamin kung sino ang may kagagawan sa krimen at kung ano ang posibleng motibo nito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments