Nalambat ang dalawang holdaper na gumahasa kamakailan sa isang ginang at kumulimbat sa cellular phone, pera at iba pang mahahalagang gamit ng biktima, makaraang makumbinse ang mga ito ng huli sa text na makipagkita sa kanya na nagresulta nga sa kanilang pagkakaaaresto, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City. Kapwa nahaharap sa mga kasong robbery with rape ang mga suspect na sina Daniel Roble, 36, stay-in factory worker ng Plastic City sa Viente Reales at Lucito Marte, 38, tricycle driver at residente ng Block 4, Sitio Kabatuhan, Gen. T. de Leon, Valenzuela City makaraang positibong kilalanin ang mga ito ng biktima na itinatago sa pangalang "Fe", 29-anyos at may-asawa. Batay sa rekord ng pulisya, dakong alas-11:45 ng gabi noong June 17, 2006 nang kapwa gahasain ng mga suspect ang biktima sa isang madamong lugar sa Brgy. Ugong, Valenzuela City at matapos nito ay kinulimbat pa ng mga naaresto ang cellular phone at iba pang mga mahahalagang gamit ng ginang. Matapos ang insidente ay sinubukang padalhan ng mensahe ng ginang ang kanyang cellular phone na tinangay ng suspect at una itong sinagot ng suspect na si Roble. Sinabihan umano ng ginang si Roble na makipagkita siya sa huli upang tuluyan ng sumama dahil sa hindi na siya matanggap ng kanyang mister dahil sa nangyari sa kanya, subalit hindi nito nakumbinse ang huli. Kahapon nga ay ang suspect naman na si Marte ang pinadalhan ng mensahe ng ginang at kumagat nga ito sa paanyaya ng huli at dito isinagawa ng pulisya ang kanilang pagbitag sa suspect. Naaresto si Marte nang makipagkita ito sa ginang sa isang mall sa Caloocan City, habang si Roble naman ay naaresto sa follow-up operation nang "ikanta" ni Marte ang pinagtataguan nito.
(Rose Tamayo-Tesoro) 3 holdaper na nambibiktima ng mga air-con bus, arestado |
Nalambat ng mga awtoridad ang tatlong holdaper na nambibiktima ng mga air-conditioned bus, matapos na holdapin ng huli ang isang bus, kahapon ng umaga sa EDSA, Makati City. Kinilala ng pulisya ang mga suspect na sina Ernesto Amor, 40-anyos; Russel Anido, 21, at Francis Ailees, 24; na pawang mga residente ng Pasay City. Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:50 kahapon ng umaga nang holdapin ng mga suspect ang JMK air-con bus at tinangay ng mga ito ang mga pera, alahas at cellular phone ng 20 pasaherong sakay nito. Tinangka pang biktimahin ng mga suspect ang isang FVTI bus subalit agad na naagapan ito ng mga nagrespondeng pulis at dito naaresto ang mga suspect. Nabatid na si Amor ay may pending warrant of arrest na inisyu ni Judge Roberto M. Carpio ng Branch 2 ng Municipal Trial Court ng Meycuayan, Bulacan.
(Lordeth Bonilla) 27 katao, dinampot sa anti-crime operation |
Inaresto ng Manila Police District (MPD), ang 27 katao sa isinagawang anti-crime operation, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila. Dakong alas-10 ng gabi nang salakayin ng operatiba ang Prudencio Algeciras at Antipolo Sts. sa ilalim ng Dimasalang Bridge. Ang ginawang pagsalakay ay bunsod ng nagaganap na talamak na holdapan at iba pang krimen sa mga nabanggit na lugar. Layon rin ng nasabing operasyon ang pagsugpo sa umanoy pagkukuta ng mga big time na akyat-bahay gang, mga holdaper na kinabibilangan ng Surigao Gang, Gomez at Pimentara Robbery Group sa nasabing mga lugar.
(Grace Amargo-dela Cruz)