Namatay habang ginagamit sa Pasig City General Hospital si Roldic Camsa, 26, habang nasa kritikal na kondisyon naman ang iba pang biktima na sina Andy Jamir, 19; Jennlyn Buan, 18; at Marife Francisco, 18, na pawang nagtamo rin ng mga tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi habang nag-iinuman sa loob ng MJ Videoke Bar na matatagpuan sa kanto ng Eusebio Avenue at Narra St., Nagpayong Brgy. Pinagbuhatan sa nabanggit na lungsod sina Camsa at Jamir at ka-table ang mga GRO na sina Buan at Francisco. Bigla umanong dumating ang mga suspect na nakasuot ng bonnet at armado ng kalibre .45 baril.
Bigla na lang lumapit ang mga suspect sa lamesang pinag-iinuman ng mga biktima at saka pinaulanan ito ng putok ng bala ng baril at pagkatapos ay mabilis na tumakas.
Lumalabas sa imbestigasyon na paghihiganti ang posibleng motibo ng nasabing pamamaril dahil nabatid na may nakaaway si Camsa ng nagdaang gabi sa nasabi ring bar at nagbanta umano ang mga ito na babalikan siya na ikinadamay pa ng tatlong iba pa.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa agarang ikalulutas ng kaso. (Edwin Balasa)