Adik timbog sa pinaglaruang granada

Nabulabog ang mga residente ng isang barangay makaraang paglaruan ng isang adik na umano’y may ‘sayad’ ang isang granada, kahapon ng tanghali sa Valenzuela City.

Naagapan ng mga nagrespondeng pulis at barangay tanod ang posibleng pagsabog ng granada makaraang ligtas na mabawi ito mula sa pag-iingat ng isang Jaime Guache, 41, residente ng E. Cortez St., Malinta, nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12 ng tanghali nang makatanggap sila ng tawag mula sa mga residente rito na pinaglalaruan at pinapaikot pa ng nasabing suspect ang granada habang sumisinghot ng rugby.

Naabutan ng pulisya na hawak nito sa magkabilang kamay ang granada at bote ng rugby. Hindi naman nanlaban ang suspect na nagbunga nga sa ligtas na pagkakabawi ng nasabing granada at pagkaaresto sa una.

Nabatid na nagkaroon ng sira sa ulo ang suspect dahil sa pagsinghot ng solvent. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments