Carnappers umatake sa Pasig

Muli na namang umatake ang grupo ng carnappers matapos na tangayin ng mga ito ang kotse ng isang negosyante habang nagwi-withdraw ito sa isang automated teller machine (ATM) kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Kinilala ang biktima na si Eric Tuazon, ng East Rembo, Makati City at may-ari ng pulang Honda Civic na may plakang XCY-328.

Samantala, mabilis namang nakatakas ang mga suspect tangay ang sasakyan ng biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw nang bumaba ng kanyang sasakyan si Tuazon upang mag-withdraw sa isang ATM sa may kahabaan ng Mercedes Ave., Brgy. San Miguel, lungsod na ito.

Matapos ang 10 minutong pagwi-withdraw ay laking gulat na lamang ng biktima nang wala na ang kanyang sasakyan.

Nagtalaga naman ng checkpoint sa ilang mga lugar ng Eastern Police District para sa mabilisang pagkakadakip sa mga suspect at pagrekober sa naturang sasakyan. (Edwin Balasa)

Show comments