Kinilala ni PNP-CIDG-Anti-Organized Crime Business Concern Division (AOCBCD) Chief Supt. Ireno Inal ang mga isinakdal na sina PO3 Mike Ongpauco, PO3 Jonathan Ruiz, PO3 Dranreb Cipriano at PO1 Erwin Castro; pawang ng MPD Anti-Illegal Drugs Division na nasakote sa buy-bust operation at ang nakatakas na si PO1 Rhunjalle Salazar ng National Capital Regional Intelligence and Special Operation Office.
Ayon kay Inal, ang mga nabanggit ay sinampahan nila ng attempted robbery-in-band sa tanggapan ng Office of the Ombudsman. Ang apat na pulis-Maynila ay nasakote noong Biyernes sa panulukan ng Jose Abad Santos at Hermosa Sts. sa operasyon sa Tondo, Maynila.
Sinabi ni Inal na si Salazar ay tumakas matapos na muntik nang magkaputukan ang pinagsanib na elemento ng PNP-CIDG at PDEA matapos na pumalag ang mga tiwaling pulis.
Sa kanilang charge sheet, sinabi ni Inal na puwersahang binuksan ng mga suspect ang kanilang behikulo, tinutukan sila ng baril at tinangkang agawin ang buy-bust money nang matunugang PNP-CIDG at PDEA team ang kanilang ka-deal sa kulang-kulang na P3-milyong halaga ng shabu. (Joy Cantos)