2 dedo sa heat stroke

Hinihinalang kapwa nasawi sa heat stroke ang dalawang lalaki na bigla na lamang hinimatay matapos na magreklamo ng init ng panahon sa magkahiwalay na insidente sa Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Pepito Jimenez, 59, ng Blk. 207, Lot 17, Acacia St. Makati City at Antonio Alvior, 51, kargador at residente ng #650 11th St. Port Area, Maynila.

Batay sa ulat ng MP- Homicide Section, unang nasawi ang biktimang si Alvior dakong alas 2:15 ng madaling-araw sa loob ng bahay nito. Ayon sa kinakasama nitong si Ruchi Palabrica, nagreklamo umano ang biktima ng sobrang init at hirap sa paghinga hanggang sa tumumba.

Dakong alas-11 naman ng tanghali ng bigla na lamang himatayin sa loob ng Delicious bakeshop sa Rizal Ave. ang biktimang si Jimenez.

Sa pahayag ni Eva Villarin, kahera ng bakeshop, uminom pa ng tubig ang biktima nang mawalan ng malay subalit hindi pa rin ito nakabangon hanggang sa dalhin sa Fabella Hospital. (Danilo Garcia)

Show comments