Dakong alas-9 ng umaga ng dumating ang 10 pampasaherong jeep sakay ang mga raliyista na kinabibilangan ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan at Kalipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan.
Ayon kay EPD director Chief Supt. Charlemagne Alejandrino, nagpipilit ang mga raliyista na makapagsagawa ng rally sa lugar dala ang ibat ibang placards na kinuha ng mga pulis.
Dahil dito ay nagkaroon ng tensiyon na humantong sa habulan at pagkabasag ng glass panel ng Mercury Drug.
Kinuwestiyon ng mga raliyista ang pagpapatupad ng Calibrated Pre-emptive Response (CPR) na labag sa batas.
Nabatid na mula pa noong 2001 nang simulang ipagbawal ang pagsasagawa ng rally sa harap ng shrine dahil itinalaga itong sacred place ni Pope John Paul II bukod pa sa kawalan ng permit ng mga raliyista.
Ipinasya na lamang ng mga raliyista na isagawa ang kanilang pagwewelga sa People Power Monument.
Samantala, ikinasa na rin ang deployment ng buong puwersa ng traffic personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at libong miyembro ng Traffic Engineering Group ng Philippine National Police upang hindi maparalisa ang transportasyon ngayon araw.
Nanawagan si MMDA Chairman Bayani Fernando sa lahat ng militanteng grupo na magsasagawa ng kilos-protesta na umiwas sa mga pangunahing lansangan upang hindi maapektuhan ang transportasyon ngayong Lunes.
Sinabi ni Fernando na mas makabubuting magdaos na lamang ng rally ang mga raliyista sa mga identified "freedom parks" upang matiyak ang kanilang seguridad.
Magwawagayway naman ng white cloth ang KMU bilang tanda ng kanilang hiling na pagbabago sa gobyerno.
Sa Maynila, babantayan naman ng MPD ang Mendiola, Chino Roces Bridge, Legarda at Arlegui Sts., Recto Ave at mga lugar sa paligid ng US Embassy at Pandacan Oil Depot.
Tiniyak din ni MPD director Chief Supt. Pedro Bulaong na ipatutupad nila ang maximum tolerance at no permit, no rally policy sa halip na CPR.
Ipapakalat din ng MPD ang Manila Armour na isasabak sa rally para agapan ang posibleng mob rule at civil disobedience sa hanay ng mga raliyista at bahagi ng security at contingency plan ng pulisya. (Edwin Balasa, Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)