Kinilala ni PNP-TMG Director Errol Pan sa mediamen ang nasakoteng suspect na si Glenn Balosa, dating Army Private na pinatalsik sa serbisyo noong 2000 sa Security and Escort Battalion (SEB) ng Philippine Army na nakabase sa Fort Bonifacio, Makati City.
Ayon kay Pan, ang suspect ay naaresto dakong ala-1:20 ng hapon sa Gilmore Ave., New Manila, Quezon City matapos tugisin ng nagrespondeng mga operatiba ng PNP-TMG na lulan ng Mobile Patrol 86.
Nabatid na humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng TMG Mobile Patrol 86 ang biktimang si Josefina Tabor, Customer Associate ng LBC.
Hinoldap ng suspect ang biktima gamit ang isang lighter toy gun na kawangis ng isang cal. 38 revolver pistol. Mabilis namang nagresponde ang TMG operatives at matapos ang maikling habulan ay nakorner ang suspect at nabawi ang hinoldap nitong P3,580 sa naturang biktima.
Nakuha rin mula sa suspect ang isang lighter toy gun, cellphone, cassette tape recorder, ID at ilang mga papeles.
Sinampahan na ng kasong robbery sa Quezon City Prosecutors Office na may nakalaang piyansang P100,000. (Joy Cantos)