‘No helmet policy’, no way sa TMG

Walang plano ang pamunuan ng PNP-Traffic Management Group na gayahin ang "no helmet policy" na ipinatutupad sa ibang bansa sa layuning madaling masino ang mga wanted criminals.

Ito ang nilinaw ni PNP-TMG director Chief Supt. Errol Pan bilang reaksyon sa mga report na maraming bilang sa mga lungsod at munisipalidad sa bansa ang nagpapatupad na sa naturang policy sa mga gumagamit ng motorsiklo.

Sinabi ni Pan na ang lahat ng gumagamit ng motorsiklo sa bansa maging pulis o sibilyan ay dapat na magsuot ng helmet para sa kaligtasan ng mga ito habang naglalakbay sa mga lansangan.

"Basically the purpose of helmet is safety," pahayag ni Pan.

Binigyang diin ni Pan na hindi malaking tulong ang kawalan ng helmet para makilala nang agad-agad ang isang kriminal.

"Yung mga heavily tinted helmet ang ipinagbabawal namin hindi yung helmet itself," dagdag pa ng TMG chief.

Magugunitang mga motorcycle men ang madalas ngayong nasasangkot sa lumalaganap sa krimen sa mga lansangan. (Angie dela Cruz)

Show comments