Miyembro ng hold-up gang, timbog

Nalambat ang isang kilabot na miyembro ng hold-up and robbery gang, habang nakatakas naman ang isang kasamahan nito sa isinagawang operasyon ng pulisya, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Kinilala ng pulisya ang naarestong suspect na si Prudencio Paclibar, 18, ng Dagat-dagatan ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ang kasamahan nito na nakilala lamang sa pangalang William na nagawang makatakas sa mga awtoridad.

Nabatid na ang pagkakahuli sa suspect ay nag-ugat makaraang biktimahin nito at ng kanyang kasamahan ang isang Janice Javier, 17, sa kahabaan ng Lakas ng Mahihirap St. Sangandaan, Caloocan City.

Kinulimbat ng mga suspect ang alahas, pera at cellular phone ng biktima. Matapos ang insidente agad na nagreport sa pulisya ang biktima.

Mabilis namang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at nalambat ang suspect na si Paclibar. Nasamsam dito ang isang .38 cal. revolver at mga bala. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments