Sinabi ni PCG Vice-Admiral Arthur Gosingan na muli nilang inilunsad ang "Oplan Kalakbay" kung saan kabilang dito ang paglalagay ng mga help booths sa lahat ng mga pantalan, pagtataas sa "heightened alert" sa lahat ng unit at pagdaragdag ng seguridad, maging sa loob ng mga barko.
Nakapaloob dito ang karagdagang mga "sea marshall" ng PCG at Armed Forces of the Philippines (AFP), mas mahigpit na pagsusuri sa mga bagahe ng mga pasahero at pagroronda sa mga pantalan at mga barko.
Dagdag pa rito ang pagpapaalerto sa mga patrol boats at maging mga "air asset" ng PCG upang magmanman sa karagatan at pagpapakalat ng mga K-9 units laban sa anumang uri ng pagtatangka ng pagsalakay ng mga elemento ng terorismo.
Nakatutok din ang atensiyon ng PCG sa pagbabantay sa mga personalidad na pinaghahanap ng pamahalaan at pagpupuslit ng may ipinagbabawal na droga at iba pang kontrabando.
Ipinagkibit-balikat naman ng PCG ang naganap na sunog sa M/V Heaven Star bandang ala-1:53 ng madaling-araw habang naglalayag sa may karagatan ng Merida, Leyte patungong Ormoc City.
Sinabi ni Gosingan na hindi pa malinaw ang pinagmulan ng naturang apoy na nag-umpisa sa rooftop deck ng barko matapos na kumalat ang mga bata sa nag-overheat na "smoke stack". Agad na kumalat ang apoy sa economy section kung saan natupok ang 8 light raft, 3 service boats at 8 teheras.
Wala namang nasawi sa naturang insidente matapos na agad maapula ang apoy at mailigtas ang higit sa 800 pasahero at tripulante ng barko. Kasalukuyan namang nakadaong na sa pier ng Ormoc City, Leyte ang barko habang isinasailalim ito sa imbestigasyon. (Danilo Garcia)