Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Anselmo Avenido Jr. ang mga nasakoteng suspect na sina Josephine Castillo, 39, medical technologist at live-in partner na si Farid Hetal, 31, Egyptian national, pawang residente ng #328 A. Mabini ng nasabing lungsod.
Sinabi ni Avenido na ang mga suspect ay nasakote sa pharmacy ng kanyang mga tauhan pasado ala-1 ng tanghali. Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang dalawang blister packs ng Valium (Diazapam) na naglalaman ng 10 tableta bawat isa; isang blister pack ng Dominium (Midazolam) na may 10 tableta kada isang pakete; isang blister pack ng Stillnox (Zolpidem) na may 10 tableta at isang maliit na karton ng Methergin para sa Afghanistan MN Enterprise na naglalaman naman ng 9 na blister packs ng tig-50 tabletang Methergin.
Hindi na nakapalag ang mag-live-in partner matapos makorner ng mga operatiba ng PDEA. Sinabi ng opisyal na ang mga nasamsam na Dominium at Stillnox tablets ay isasailalim sa laboratory examination sa PNP Crime Laboratory Service.
Ang mga suspect ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Section 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutors Office. (Joy Cantos)