Ayon kay Eastern Police District (EPD) chief Supt. Charlemagne Alejandrino, ang cartographic sketch na kanilang ipinalabas ay base na rin sa pagsasalarawan ng mga witness na pansamantalang hindi muna pinangalanan upang pangalagaan ang kaligtasan nito.
Dagdag ni Alejandrino, pinuno ng Task Force Umale sa pakikipagtulungan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang suspect ay isa sa tatlong armadong kalalakihan na armado ng kalibre .45 baril na bumaril kay Umale na nagtamo ng tatlong tama sa likod at ulo.
Base sa inilabas na artists sketch, ang suspect ay tinatayang nasa edad 30-35 anyos, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi at hanggang tainga ang hating buhok.
Dahil dito, kumpleto na ang mga sketch ng apat na gunmen matapos na nauna nang ilabas ang larawan ng tatlo sa mga ito.
Samantala, sinabi pa ni Alejandrino na nagtatrabaho ang task force ng 24-oras kada araw sa agarang ikalulutas ng pamamaslang.
Matatandaang si Umale ay pinaslang ng apat na killer noong Marso 16 ng tanghali habang naghihintay ng elevator paakyat sa kanyang gusali sa Pearl Plaza na matatagpuan sa kahabaan ng Pearl Drive, Brgy. San Antonio, Ortigas, Pasig City.
Dahil dito, naglabas ng pahayag ang pamilya Umale na magbibigay ng P10 milyon sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa mga gunmen upang maituro ang mastermind. (Edwin Balasa)