Bukod sa natangay ang puting Mitsubishi Adventure na may plakang WCT-324 ay nilimas din ng mga suspect ang P36,000 na cash, dalawang cellphone, mga alahas na umaabot sa P100,000 ni Nelia Novera at asawa nito, kapwa residente ng Lot 5 Blk. 1 Vista Verde, Cainta, Rizal.
Sa salaysay ni Nelia, dakong alas-3:20 ng madaling-araw ng lumabas sila sa isang fastfood na nag-ooperate ng 24 oras na matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Hi-way sa Brgy. San Roque ng lungsod na ito.
Pagsakay nila ng kanilang sasakyan ay bigla na lang sumulpot ang mga suspect na pawang armado ng mga baril at puwersahang kinuha ng isa sa mga ito ang susi ng sasakyan at saka minaneho.
Habang nasa loob ng tumatakbong sasakyan nilimas ng dalawa sa mga suspect ang pera at alahas nilang mag-asawa at pagdating sa Brgy. dela Paz sa Pasig City ay pinababa sila at saka tuluyang tinangay ang kanilang sasakyan.
Mabilis na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mag-asawa at nagharap ng reklamo.
Tila sampal sa mga kagawad ng pulisya ang nasabing insidente dahil naganap ang insidente sa tapat ng checkpoint ng EPD at napag-alamang ang pulis na naka-duty ng oras na iyon ay natutulog sa loob ng tanggapan. (Edwin Balasa)