Aktor, nahulog sa imburnal

Aksidenteng nahulog kahapon sa isang imburnal ang aktor na si Mat Ranillo III habang nakikipag-usap ito sa cellphone, sa loob ng Batasan Complex, Quezon City .

Nagiba ang kongkretong takip ng manhole ng matapakan ni Ranillo at mahulog sa imburnal na may lalim na 10-12 talampakan.

Malapit ang nasabing manhole sa canteen ng House of Representatives na nasa likurang bahagi ng Batasan Complex.

Apat na babae ang nakarinig ng paghingi ng saklolo ni Ranillo at sila ang tumulong upang mailabas sa imburnal ang aktor.

Agad na dinala si Ranillo sa clinic ng House of Representatives bago ito dinala sa FEU Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation Hospital sa Quezon City.

Ayon kay Dr. Ed Veloso, House medical director, si Ranillo ay nagkaroon ng abdominal injuries at mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dadalo sana ang aktor sa gaganaping pagdinig sa budget ng Movies Television Review and Classification Board (MTRCB).

Ipinaliwanag ng House engineering personnel na pinamumunuan ni Engr. Perfecto Nicolas, na may cover naman ang manhole pero bumigay ito nang tuntungan ng aktor. (Malou Escudero)

Show comments