Pumatay kay Umale, mga professional assassins — Querol

Mga "professional assassins" ang apat na hired killers na pumatay sa negosyanteng si Leonardo Umale, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol.

Ito ang lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nakarating kay Querol base na rin sa mga tama ng pinaslang na negosyante.

"Lahat ng tama ni Umale ay puro fatal kaya naniniwala ako na puro mga professional assassins ang nagtrabaho dito at pinagplanuhang mabuti, saad ni Querol.

Dahil dito, nakatakdang ipatawag ng Task Force Umale ang security guard at bodguards ng pinaslang na negosyanteng si Leonardo Umale, 58, upang makapagbigay-linaw sa ambush-slay nito noong Marso 16 sa harap ng pagmamay-ari nitong Pearl Plaza na matatagpuan sa kahabaan ng Pearl Drive, Ortigas, Pasig City. Nabatid kay Querol na nagtataka siya kung bakit malayang nakapasok ang apat na armadong suspect sa loob ng establisimiyento kung saan pinatay ang biktima na hindi man lang nakita kung mayroong baril ang mga ito sa kabila ng kautusan ng pulisya na siyasating mabuti ang lahat ng bag at dala ng mga kostumer kapag papasok sa isang establisimiyento dahil sa banta ng terorismo sa bansa.

"Pinaiimbestigahan nating lahat ang maaaring anggulo at pipilitin ng pulisya na magkaroon ng magandang resulta ang imbestigasyon sa mga susunod na araw," ani Querol.

Habang sinusulat ang balitang ito ay may close-door meeting ang Task Force Umale sa tanggapan ni Chief Supt. Charlemagne Alejandrino sa EPD Annex na siyang pinuno nito.

Sa isang text message naman ng isa sa pamilya Umale, nakasaad dito na magbibigay sila ng pahayag sa media kung ano ang plano nila sa mga susunod na araw at katulad ng nauna nilang pahayag na si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson lang umano ang may malaking motibo upang ipapatay ang negosyante. (Edwin Balasa)

Show comments