Kinilala ni PNP-AID SOTF chief P/Director Marcelo Ele Jr. ang mga nasakoteng suspect na sina George Aprueba, alyas Jojo, at kasabwat nitong hinihinalang notoryus na drug trafficker na si Edgardo Marquez.
Ayon sa ulat, si Aprueba ang siyang itinuturong pangunahing suspect sa brutal na pamamaslang kay PO3 Cornelio Ramel ng Eastern Police District na ang bangkay ay natagpuang naaagnas noong Mayo 5, 2004 sa #1002 de Leon Compound, Sun Valley 2, Parañaque City.
Sinabi ni Supt. Arnold Aguilar, chief ng Special Operations Unit (SOU) ng PNP-AIDSOTF na dinakip sa loob ng bahay nito sa #197 Junio St., Purok 2, Silverio Compound, San Isidro ng nabanggit na lungsod sa bisa ng Warrant of arrest na inisyu ni Judge Aida Estrella Macapagal ng Parañaque City Regional Trial Court (RTC).
Samantala, si Marquez ay nauna nang nasakote sa buy-bust operation sa naturang lungsod kaugnay ng talamak na pagbebenta nito ng illegal na droga.
Nabatid pa na ang kasamahan ng mga ito na ang suspect na si Rizel Cuenca ay namatay sa atake sa puso habang ang isa pa na si Manuel Barreto, alyas Boboy ay napaslang naman sa shootout sa drug-bust operation noong 2005.
Ayon pa kay Aguilar, si SPO1 Nap Cuaresma na nauna nang nadawit ang pangalan sa pagpatay kay Ramel ay napawalang-sala sa kaso bunga ng kakulangan ng ebidensiya.
Idinagdag pa ng opisyal na ang mga nasabing personalidad ay pawang sangkot sa drug trafficking at gun-running kung saan ay pinaslang ng mga ito ang pulis na si Ramel matapos na madiskubreng naniniktik sa kanilang operasyon. (Joy Cantos)